Wednesday, November 04, 2009

Bakit Si Chiz?

E-mailed to our e-groups by a contemporary from UP. The topic of discussion? The 2010 presidential elections, Noynoy's candidacy, and Chiz Escudero's resignation from the NPC.

Tungkol naman sa kay Chiz Escudero, ni kailanman ay di ako nagduda na sya ay tatakbo. At kailanman ay di ako bumoto batay lamang sa kung sino ang palagay ko na mananalo o di mananalo. Ang boto ko ay laan lamang sa taong pinaniniwalaan ko, yaong bumubuhay ng aking pag-asa sa kapwa at sa bayan. Si Chiz Escudero yun.

Noong namatay si Cory, isa ako sa nagdalamhati. Lumaki akong humanga kay Ninoy at kahit na sandamakmak ang mga kamaliang nagawa ng administrasyong Aquino, ako'y humanga sa busilak nyang kalooban. At noong umurong si Mar Roxas sa laban bilang pangulo, batid ko agad na si Noynoy ang tatakbo. Ang sabi ko sa aking sarili at sa ilan mga kaibigan: "Chiz has my vote but my heart belongs to NoyNoy." Corny mang maituturing pero yaon ang aking pinaniwalaan noon.

Noon yun. Ngayon, ang ginawa ni Chiz na pag-iwan sa NPC, ang pagtalikod sa tradisyunal na partido pulitika, ang pagtakwil sa pork barrel system at work contractualization at iba pa, ay nagdala ng bagong pagninilay-nilay sa akin. Ang kanyang katapangan na iwanan ang NPC sa harap ng napipintong pinakamalaking laban ng kanyang buhay pulitiko ay binansagan ng iba na "youthful naivete" at "political suicide." Pero ito ang pumukaw sa aking damdamin at gumising sa aking idealismo. Sinong kandidato sa pagkapangulo ang iiwan ang partido at makinarya at sumuong sa laban na kulang sa armas? Sino ang kayang gawin ito sa panahon ngayon? Sino nga ba kungdi yaong may tapang at idealismo. Sino nga ba kungdi isang Chiz Escudero.

Ngayon ay kinukwestyon ko na kung bakit animnapung porsyento ng Pinoy ay para kay Noynoy. Sadyang sadlak lang ba ang Pinoy sa kahirapan at kawalan ng pag-asa na kahit wala silang alam sa pagkatao ni Noynoy ay sapat na para iboto syang presidente dahil lamang mga bayani at hinahangaan ang kanyang mga magulang? Ano nga ba ang alam natin kay Noynoy? Na anak sya ni Ninoy at Cory at kapatid sya ni Kris at bayaw ni James Yap? Na dati nyang kasintahan si Korina Sanchez-Roxas at Bernadette Sembrano? Na dati syang kongresista at ngayon ay senador? Ano pa nga ba? Na si Kris at hindi si Noynoy ang "female Ninoy" o "Cory's favorite child"?

Maaring tama ang idolo kong si Conrado de Quiros na hindi magnanakaw si Noynoy dahil di nya yuyurakan ang pangalang iniwan ng kanyang mga magulang. Maaring tama rin si De Quiros na di gahaman sa kapangyarihan si Noynoy dahil sya diumano ay "reluctant candidate." Maari. Pero sa ganang akin, ang katapatan at pagkamatuwid ay hindi lang sa dugong Aquino nananalaytay. Sa katunayan, wala noon sa kanyang kapatid na si Kris. At kung ako ang papipiliin sa isang pulitikong binasbasan ng tadhana at isang gagawa ng sariling nyang kapalaran, ay doon na ako sa huli. Tulad nga ng itinuran ni Robin Williams sa pelikulang "Dead Poets Society" na "carpe diem", pabor ako dun sa matapang at buo ang loob na iguhit ang sariling nyang kapalaran.

Minsan ay matatawa ka sa Pinoy. Pagkaharap nya ay trapo, maghahanap sya ng may idealismo. Ngayong andyan at sumisigaw ng idealismo si Chiz Escudero, pinagdududahan syang kulang lang daw sa pondo. Tulad ng sabi ko sa aking mga kaibigan ng araw na iniwan ni Chiz ang NPC: "ang mensahe ni Chiz ay yaon mismong sinabi nya; you dont have to read between the lines."

Binabatikos rin si Chiz dahil kung ayaw raw nyang ma-impluwensyahan ng partido ay bakit ngayon lang daw nya ginawa ang pagtalikod sa NPC gayong higit isang dekada na syang miyembro nito. Bakit, kung tama at para sa tama ang gagawin mo, kailangan pa ba nating tanungin kung bakit ngayon lang? Di ba ang mahalaga ay nagawa ang tama at may tapang na gawin ito sa harap ng pagbatikos? Mabuti nga at ginawa di ba? Di ba't mas dapat na batikusin ang mga kandidatong walang tapang at idealismo na gawin ang ginawa ni Chiz Escudero?

Sa mga kadahilanang aking nabanggit, kay Chiz Escudero po ang boto at puso ko.

2 comments:

Better Filipinos said...

Here's my viewpoint: http://bastapolitics.blogspot.com/2009/11/senator-to-run-for-president-with-left.html

Dahl said...

As a consumer, you are likely to get burned buying any weight loss product that is supposed to contain Hoodia unless it has been licensed by Phytopharm. Whoever consumes it feels fuller faster, thus eating less and gaining less weight. News report on hoodia uniquehoodia cbs. Author is an expert writer on unique hoodia ireland and buy hoodia patch.Thirsty there is no other option better than this to lose weight the external use of the medicine made sure that there are no side effects.